US, hinarang muli ang Gaza ceasefire resolution sa UN
1 min read

US, hinarang muli ang Gaza ceasefire resolution sa UN

Muling hinarang ng Estados Unidos ang isang draft resolution sa United Nations Security Council na nananawagan ng agarang at permanenteng tigil-putukan sa Gaza, kabilang na ang pagpapalaya sa mga bihag.

Ito na ang ika-anim na pagkakataon na tinanggihan ng Amerika ang kahalintulad na hakbang.

Ayon kay US Deputy Middle East Envoy Morgan Ortagus, hindi na aniya nakapagtataka ang pagtutol ng Washington. Giit niya, bigo ang resolusyon na kondenahin ang Hamas, kilalanin ang karapatan ng Israel na ipagtanggol ang sarili nito, at huwag bigyang lehitimasyon ang mga naratibong makikinabang umano sa Hamas.

Agad namang nagpahayag ng pagkadismaya ang iba pang miyembro ng UN.

Lahat ng labing-apat na miyembro ng Security Council ay bumoto ng pabor sa draft resolution, na naglalarawan sa sitwasyon sa Gaza bilang sakuna, at nananawagan sa Israel na alisin ang lahat ng restriksiyon sa ayuda.

Ginawa ng konseho ang hakbang sa gitna ng babala ng United Nations humanitarian office na nauubos na ang huling lifelines sa Gaza City, kasabay ng patuloy na opensiba ng Israel.

Ang panibagong botohan ay ilang araw bago ang UN General Assembly, kung saan nakatakdang pag-usapan ng mga world leaders ang sitwasyon sa Gaza at ang posibilidad ng pagkilala ng mga pangunahing kaalyado ng Amerika, kabilang ang United Kingdom, sa estado ng Palestine bilang isang independenteng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *