Gov. Jubahib bumuo ng Special Inspection Team para imbestigahan ang mga national projects sa Davao del Norte
Bumuo ng Special Inspection Team si Davao del Norte Governor Edwin I. Jubahib upang imbestigahan ang malalaking national projects na ipinatupad sa probinsya. Inaprubahan ang nasabing hakbang sa isinagawang joint meeting ng Provincial Development Council (PDC) at Provincial Peace and Order Council (PPOC) noong Setyembre 18 sa DavNor Gym.
Kabilang sa mga iimbestigahan ang umano’y ₱516-milyong Tuganay Bridge sa bayan ng Carmen, 15 iba pang mega projects ng probinsya, at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Authority (NIA).
“Para walang bias na mangyari sa inspection, isinama ko maging ang provincial projects—iyong 15 mega projects—pati na rin ang mga proyekto ng DPWH at NIA,” pahayag ni Gov. Jubahib.
Giit ng gobernador, layunin ng inspection team na matiyak ang tamang implementasyon ng national at provincial budgets. Kapag may nakitang iregularidad, agad silang gagawa ng report at maaari nang magsampa ng kaso laban sa mga kontratista at ahensiyang bigong tumupad sa proyekto.
Samantala, inaprubahan din ng konseho ang ilang resolusyon, kabilang ang:
- Pagtutol sa renewal ng prangkisa ng NORDECO na matatapos sa 2028.
- Paghingi ng financial at status report sa ₱1 bilyong loan para sa planong submarine cable project mula Pantukan hanggang Island Garden City of Samal (IGACOS).
- Pagpapadala ng kahilingan sa Senate Blue Ribbon Committee at Senate Energy Committee na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa naturang NORDECO loan.
Bukod dito, sinuportahan din ang pagsasagawa ng random drug testing sa lahat ng government institutions, public at private schools bilang bahagi ng nagpapatuloy na kampanya ng probinsya laban sa iligal na droga.
